ALAMIN: Mga peligrong dulot ng paputok

ABS-CBN News

Posted at Dec 31 2017 03:22 PM | Updated as of Dec 31 2017 05:12 PM

Watch more in iWant or iWantTFC

Pinaalalahanan ng mga opisyal ng Department of Health (DOH) ang publiko hinggil sa mga peligrong dulot sa katawan at kalusugan ng pagpapaputok, kasabay sa nalalapit na pagsalubong sa Bagong Taon.

Payo ni Health Secretary Francisco Duque, kung maaari ay iwasan na ang mga paputok at humanap ng mga alternatibong paraan para sa masigabong pagsalubong, tulad ng paggamit ng torotot.

Isa kasi sa mga karaniwang pinsalang dala ng paputok, ani Duque, ay ang pagkakaroon ng sugat sa mga daliri.

Ibinahagi naman ni Duque ang paraan ng pagbibigay ng paunang lunas sa mga naputukan sa kamay.

"Kung 'di maiwasan at naputukan na, mangyari po'y hugasan nang malinis ang sugat, gamutin na, lagyan ng bandage at dalhin sa pinakamalapit na pagamutan para makapagpaturok ng anti-tetanus," ani Duque sa panayam ng DZMM.

Sa mga nais gumamit at makatunghay ng paputok, maiging tumungo na lang sa mga firecracker zone at fireworks display area. 

Bagaman pinahihintulutan ang mga pailaw sa mga residential area, nagpaalala rin si Duque sa maingat na paggamit ng mga ito.

Bukod sa kamay, isa rin sa mga napipinsalang bahagi ng katawan ay ang mata.

Ayon kay Health Assistant Secretary Lyndon Lee-Suy, huwag galawin ang mata kapag napasukan ng debris ng paputok at agad isugod sa ospital.

"‘Yong iba pipilitin tanggalin kapag may debris or what, hayaan mo ... dalhin mo kaagad sa ospital," sabi sa DZMM ni Lee-Suy.

Huwag rin umanong hilamusin ang mata dahil maaaring magasgas ito lalo.

Watch more in iWant or iWantTFC

Sakit sa baga, food poisoning

Hindi rin nawawala ang usok sa panahon ng putukan tuwing Bagong Taon.

Ani Lee-Suy, posible itong maging sanhi ng kahirapan sa paghinga, lalo na sa mga taong may sakit sa baga.

Maiging magsuot umano ng mga face at surgical mask ang mga taong may mahinang baga.

Bukod sa mga peligrong dulot ng paputok, pinag-ingat din ni Lee-Suy ang publiko sa food poisoning.

Nangyayari umano ito kapag maagang inihahanda ang mga pagkain para sa Media Noche at hindi nababantayang mabuti kung napanis na pala.

"Ang problema diyan [kapag] naduduwal, nasusuka o nagtatae ka," ani Lee-Suy.

Agad magpatingin sa ospital dahil posibleng kailanganing turukan ng suwero ang mga nabiktima ng food poisoning.

Sa tala ng DOH mula Disyembre 21 hanggang Disyembre 30, umabot na sa 77 ang bilang ng mga naitalang sugatan dahil sa paputok.

Mas mababa umano ito ng 41 porsiyento kumpara noong kaparehong panahon noong 2016.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.