1 patay, 1 sugatan sa salpukan ng truck, van sa Camarines Sur

Rizza Mostar, ABS-CBN News

Posted at Dec 31 2017 08:29 PM

Isa ang patay at isa ang sugatan matapos magsalpukan ang isang van at 10-wheeler truck sa Barangay Pasay, bayan ng Del Gallego, Camarines Sur Sabado.

Agad nailabas ang driver ng van na si Mylene Gaya, samantalang ang pasahero niyang si Marlon Surban ay naipit ang dalawang paa sa yupi-yuping unahan ng sasakyan.

Isang doktor na napadaan lang sa lugar ang tumulong na rin sa rescue operations.

Parehong naisugod sa ospital ang dalawa pero namatay rin si Surban makalipas ang dalawang oras.

Ayon sa pulisya, papuntang Batangas ang van mula Naga City nang mag-overtake ito sa palikong bahagi ng kalsada at hindi nakaiwas sa kasalubong na truck.

Hindi naman nasugatan sa insidente ang driver ng truck na si Noli Mortez.

Idinala na sa punerarya ang bangkay ni Surban na taga-Lipa, Batangas at hindi pa makontak ng mga nag-rescue ang kaanak. 

Driver umano ito at kinuha lamang ni Gaya para tumulong sa pagmamaneho.

Mahaharap naman ang driver ng truck sa kasong reckless imprudence resulting in homicide.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.