2 sugatan sa isang aksidente ng bus sa Quiapo

Ron Lopez, ABS-CBN News

Posted at Dec 31 2016 09:45 AM

Dalawa ang sugatan matapos bumangga ang isang pampasaherong bus sa center island habang paakyat ng Quezon Bridge sa Quiapo, Maynila.

Dinala na sa Jose Reyes Memorial Medical Center ang lalaki at babaeng biktima na nagtamo ng mga gasgas dahil sa aksidente.

Basag ang windshield at wasak ang kaliwang bahagi ng Comimba Express Inc. Bus na may plate number RLR 152 at bumabyaheng Baclaran mula sa Fairview matapos nitong araruhin ang nasa pitong metrong haba ng concrete barrier.

Bumagsak din ang isang poste sa center island dahil sa insidente.

Apat ang sakay ng bus nang mangyari ang insidente at walang nadamay na sasakyan sa kabilang bahagi ng kalsada.

Ayon kay Gerardo Toledo ng Manila City Disaster Risk Reduction and Management Office, aminado ang tsuper na napakabilis ng takbo ng sasakyan mag-aalas onse ng gabi kaya hindi nito agad nakalkula ang pag-iwas sa concrete barrier.

Nasa kustodiya na ngayon ng Manila Traffic Bureau ang driver ng bus at hinila na ang bumanggang sasakyan matapos magdulot ng pagbigat ng daloy ng trapiko sa lugar.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.