PatrolPH

Pang-Noche Buena ipinamahagi ng ABS-CBN Foundation

ABS-CBN News

Posted at Dec 30 2021 06:11 PM | Updated as of Dec 30 2021 09:01 PM

Watch more News on iWantTFC

Doble-tiyaga sa pagtatrabaho ang kailangan ng warehouse staff na si Billy Joson upang mapunan ang araw-araw ng gastusin ng pamilya, lalo na ang pagpapagamot sa kaniyang asawa at anak na may karamdaman.

Sa kabila ng karamdaman, ang asawa at anak ang pinakamalaking biyaya ni Joson sa Pasko.

"Mahalaga ang Pasko sa amin. Kahit na wala kaming handa, basta sama-sama kami," ani Joson. 

Kasama si Joson sa mga pamilya sa Barangay Marulas, Valenzuela sa mga nakatanggap ng Noche Buena package mula sa ABS-CBN Foundation sa pamamagitan ng hiling ng Mapaglingkod Volunteers Group.

"Sa simpleng ganito po, mapasaya po natin 'yong bawat bahay, pamilya po, na magkaroon sila ng kaunting handa sa panahon po ng kapaskuhan," sabi ni Vanessa Bayle, vice president ng grupo.

Sa Porac, Pampanga, nabigyan din ng pang-Noche Buena ang mga katutubong Aeta dahil sa hiling ng Pampanga Bikepacking Community.

"Mahalaga sa atin na maibahagi natin, makapag-share tayo ng totoong diwa ng Pasko sa mga kapatid nating katutubo," sabi ni Mark Julius Meneses na miyembro ng grupo.

Nagtungo rin ang ABS-CBN Foundation sa ilang barangay sa Valenzuela City, Batangas at Laguna para mamigay ng pang-Noche Buena.

— Ulat ni Bernadette Sembrano, ABS-CBN News

RELATED VIDEO

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.