DAPA, Siargao Island — Dalawang linggo mula nang humagupit ang bagyong Odette, nangangapa pa rin sa dilim ang mga residente ng Siargao.
Hindi raw nila inasahan na sa ganitong sitwasyon magtatapos ang kanilang taon.
Si Daisy Mabuloc, napabili ng kalan dahil walang mapaglutuan ng mga natanggap na ayuda.
Pero sa ilalim ng trapal na muna sila tutuloy dahil wala na silang bahay na uuwian.
"Ang problema namin, pagkain, bahay, wala na talaga, wasak, yun talaga ang pinoproblema namin... Wala kaming pang-bagong taon talaga, wala," hinaing niya.
Bumisita naman sa kanyang mga kaanak ang school administrator na si Miriam Jabines.
Kwento niya, maswerte siyang nakaligtas sa hagupit ng bagyong Odette.
"Yung mga bata na-trauma talaga, di ba may hangin kahapon, wala na pag nakita nila na may hangin, takbo sila kung saan yung area na safe... Parang kailangan talaga i-divert ang sarili para makalimutan ang trauma," aniya.
Bitbit naman ni Lina Nogera pauwi ng Siargao ang nasa 400 yero, mga solar lamps, at bigas.
May surfboard rental business siya sa Siargao at nagpadala ng pera ang mga dati niyang customer mula Switzerland para maipamahagi bilang tulong.
Ayon sa lokal na pamahalaan, tatlong beses na sila nakapag-bahagi ng ayuda sa mga apektadong residente.
Hinihintay na lang din ang financial assistance mula sa national government.
Pero malaking problema pa rin ang tutuluyan dahil nasa 400,000 pamilya dito ang magba-bagong taon nang walang maayos na bahay.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.