MAYNILA — Matapos ang mga pagkalampag, aprubado na ng pamahalaan ang hanggang P5,000 gratuity pay para sa job order (JO) at contract of service (COS) workers ng gobyerno.
Miyerkoles nang pinirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Administrative Order 46. Walang benepisyo ang mga JO at COS workers kaya ibinibigay ang gratuity pay bilang pagkilala umano sa kanilang serbisyo.
Pero ang masaklap, posibleng hindi na ito aabot pa para sa media noche sa bisperas ng Bagong Taon.
Kaya hanggang ngayon, naghahagilap pa rin ng pang-handa ang solo parent na si Mary Jane Mangui, na JO worker sa pamahalaan.
"Mahal ang bilihin wala pang budget para sa bagong taon," aniya.
Dismayado rin ang grupong Kawani Laban sa Kontraktwalisasyon (Kalakon) dahil kalahati lang ang ibibigay sa kanila kumpara sa P10,000 para sa regular government employees.
"Pare-parehas kaming nagsisilbi. Tapos nakakadismaya, sobra, na ilang taon kami nagsilbi, marami sa amin mahigit 10 taon," hinaing ni Roxanne Fernandez, spokesperson ng Kalakon.
Para naman sa mga katulad ni Mangui, hindi lang gratuity pay ang problema dahil sa December 31 din magtatapos ang kanyang kontrata.
"Nakakakaba lagi, hindi mo alam kung mare-renew ka next year," pangamba niya.
Sa kabuuan, nasa 2 milyon lahat ang nagtatrabaho sa pamahalaan at 25 percent dito ang job orders at contracts of service.
May ilang panukalang batas na para sa regularisasyon nila pero nananatili itong nakabinbin.
—Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPh, Tagalog news, balita, TV Patrol, TV PATROL TOP, hanapbuhay, trabaho, JO, COS, job order, contract of service, kontraktwalisasyon, labor