Ginang patay, anak sugatan sa pananaga sa Camarines Norte

ABS-CBN News

Posted at Dec 30 2021 06:46 PM

Isang 46-anyos na ginang ang patay sa saksak at taga sa Sitio Naboongan, Bgy. Daguit, Labo, Camarines Norte, nitong Miyerkoles ng gabi.

Sugatan din sa taga ng itak ang 13-anyos na babaeng anak nito.

Salaysay ng dalagita sa Labo police, natutulog sila ng 11-anyos na kapatid sa hiwalay na kwarto nang magising sa ingay na nagmumula sa kwarto ng ina dakong alas-10 ng gabi.

"Nang makita siya ng lalaki ay agad itong lumapit at tinaga siya ng itak sa ulo, na dumulas papunta sa kanyang kaliwang braso na naging dahilan sa pagkakatumba niya sa sahig," ani PLTCOL Augusto Manila, OIC chief ng Labo MPS.

Ayon sa dalagita na nagpapagaling na ngayon sa isang ospital sa bayan ng Daet, hindi niya nakilala ang salarin dahil nakamaskara ito at magmamadaling lumabas ng kanilang bahay.

"Sa kasalukuyan ay wala pang pagkakakilanlan sa suspek dahil ayon sa biktima nakasuot umano ito ng maskarang damit na nakabalot sa mukha nito," ani ng hepe.

Nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya sa motibo ng krimen.

-- Ulat ni Jonathan Magistrado