PatrolPH

PH Medical Association sa 'smuggled' vaccine issue: 'Wag na palakihin'

ABS-CBN News

Posted at Dec 30 2020 05:04 PM

MAYNILA – Nakiusap ang Philippine Medical Association (PMA) nitong Miyerkoles na huwag na sanang palakihin ang isyu ng umano'y pagpuslit ng di awtorisading bakuna na itinurok sa ilang sundalo. 

"Sana hindi na palakihin ang mga issues kasi habang lumalaki ang mga issues mawawalan ng kumpiyansa ang mga tao na magpabakuna," ani PMA president Dr. Benito Atienza.

Matatandaang nabulaga ang maraming Pinoy matapos mabuking ang pagbakuna sa mga miyembro ng Presidential Security Group at ilan pang kalihim.

Sa listahan kasi ng mga prayoridad, una dapat ang healthcare workers na maturukan sakaling may aprubado nang bakuna. Panglima lamang ang mga sundalo. 

Isa pang isyu ay ang kawalan ng approval ng anumang bakuna mula sa Food and Drug Administration. 

Pero sabi ni Atienza, ang pamahalaan naman daw ang gumawa ng procedures kaya di na ito dapat maging isyu.

"Ang nangyayari naman ay procedural issues eh, na sila rin ang gumagawa," aniya. 

Sabi ni Atienza, maganda ring malaman kung sino ang mga PSG members na naturukan para ma-monitor ang kanilang kalagayan. 

"Para makita kung ano ang naging epekto sa kanila ng bakuna, kasi lahat ng bakuna kailangan nating nafa-follow-up kung sino ang nabigyan at kung may effect sa kanila," sabi ng doktor. 

–Ulat ni Jasmin Romero, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.