PatrolPH

'Kapal ng mukha': Mga Pinoy uminit ang ulo sa taas-singil ng PhilHealth

ABS-CBN News

Posted at Dec 30 2020 10:00 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA – Nag-anunsiyo na ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ng pagtataas muli ng kontribusyon sa mga miyembro nito pagpasok ng 2021, kahit nasa gitna pa rin ng pandemya ang bansa. 

Alinsunod sa Universal Health Care law, tataas ang premium rate sa 3.5 percent mula sa dating 3 percent. 

Ibig sabihin, ang mga kumikita ng P10,000 pababa kada buwan ay magbabayad ng P350 na kontribusyon mula sa dating P300. 

Ang mga sumusuweldo nang mas mataas sa P10,000 hanggang P69,999 ay magbabayad ng P350 hanggang P2,449.99 depende sa kanilang basic salary. 

Habang ang mga sumusuweldo ng P70,000 pataas ay magbabayad ng monthly premium na P2,450. 

Iba-iba naman ang reaksiyon ng ilang miyembro ng PhilHealth lalo't kontrobersiyal ang ahensiya dahil sa umano'y malawakang korupsiyon sa loob nito. 

Hindi umano bababa sa P15 bilyon ang nakulimbat ng mga opisyal nito sa pamamagitan ng iba't ibang modus. 

"Eh kung 'yan ang nakakaano sa lahat, wala tayong magagawa," ani Rodolfo Suarez, lineman.

"Hindi ako pabor doon. Ninakaw na nga ang pera ng mga tauhan eh. Dapat hindi tumaas, dapat bumaba pa nga eh. Tataas na naman eh kaming mga manggagawa ang kawawa na naman," ani Marcing Perlas, maintenance worker.

Pero ayon sa PhilHealth, nagkaroon na umano ng pagbabago sa ahensiya matapos mabulgar ang mga katiwalian. 

"Doon naman po sa isyu ng tiwala, iginagalang po natin ang mga saloobin ng ating mga kababayan. Huwag po silang mawawalan ng tiwala sa programa. 'Yung mga nangyaring imbestigasyon sa nakaraan ay nagkaroon po ng pagbabago sa ahensiya at sa atin pong programa," ani Rey Baleña, acting vice president ng PhilHealth Corporate Affairs group. 

Sumulat naman na ang Employers’ Confederation of the Philippines kay Pangulong Rodrigo Duterte para hilinging huwag munang ipatupad ang dagdag sa kontribusyon. 

Pati mga senador, nag-init ang ulo sa hakbang ng PhilHealth. 

"Kapal ng mukha ng PhilHealth magtaas ng premium! Managot kaya muna sila sa bilyon-bilyong reserve fund na nawawala, bago magdagdag-singil at saan na naman mapupunta 'yang pera?" ani Sen. Imee Marcos. 

Para naman kay Sen. Kiko Pangilinan, isang kahibangan ang dagdag na gastusin lalo na’t milyon-milyon aniya ang walang trabaho. 

"Matapos nilang ilustay at nakawin ang bilyun-bilyon dadagdagan pa nila ang sisingil sa ating mga kababayan na sadsad na sa gastusin? Anong kahibangan ito? Nakaw pa more?" aniya.

Giit naman ng PhilHealth, para sa kapakanan pa rin ng mga maysakit ang sama-samang kontribusyon ng mga miyembro nito. 

–Ulat ni Zhander Cayabyab, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.