2 mangingisda nawawala matapos pumalaot sa Cagayan

ABS-CBN News

Posted at Dec 30 2020 11:15 PM

2 mangingisda nawawala matapos pumalaot sa Cagayan 1
Kasalukuyang pinaghahanap ang mga mangingisdang sina Herbert at Charles Balmes. Larawan mula sa Calayan Police

Puspusan ngayon ang search operations ng mga awtoridad sa dalawang mangingisda na napaulat umanong nawawala matapos pumalaot noong Lunes sa Calayan, Cagayan.

Ayon sa Calayan Police Station, kasama ng 52 anyos na si Herbert Balmes ang nakababatang kapatid na si Charles, 48 anyos, nang pumalaot bandang alas-7 ng umaga noong December 28.

 

Sakay sila ng outrigger twin engine motorized banca.

Pero hanggang nitong Miyerkoles ay hindi pa nakakabalik ang magkapatid na pinaniniwalaang nakasagupa ang malalakas na alon sa dagat.

Sa inilabas na gale warning ng PAGASA noong Lunes ng umaga, sinabing makakaranas ng 2.8 hanggang 4.5 metrong taas ng alon sa dagat bunsod ng hanging Amihan at Low Pressure Area sa Silangan ng Luzon.

Samantala, patuloy din ang search operation ng Philippine Coast Guard sa tatlong mangingisda na napaulat din na nawawala.

December 10 nang maglayag ang dalawang mangingisda pauwi ng Calayan Islands.

“Tumawag daw po yung isa sa nanay niya na pauwi na sila ng December 10 paalis ng Claveria. Pero hanggang December 12 hindi pa sila dumadating. May nakapagsabi daw na nasa Fuga sila. Pinuntahan naman ng kasamahan natin sa Fuga, ang sabi nila umalis daw yung dalawang yun nung December 11. Ang sabi po ng nanay nila, iiwasan daw po sana nila yung mag-quarantine sa bandang Camiguin,” sabi ni Ensign Juanito Melad.

Nawasak naman ng malalakas na alon sa bukana ng Cagayan River ang bangka ng magkapatid na taga-Aparri, Cagayan noong December 21.

Patay na ang matagpuan sa dalampasigan ng Pamplona si Romel Taguba, habang patuloy na hinahanap ang kaniyang kapatid na si Reymund. 

- ulat ni Harris Julio