Vendors pinaalis, mga kalsada nilinis para sa Black Nazarene thanksgiving procession

ABS-CBN News

Posted at Dec 30 2019 06:08 PM | Updated as of Dec 30 2019 08:48 PM

Watch more in iWantTFC

Pinaalis ang mga illegal vendor at nilinis ang mga kalsada sa paligid ng Quiapo Church ngayong Lunes para sa idaraos na Black Nazarene thanksgiving procession sa hatinggabi ng Martes.

Ang Black Nazarene thanksgiving procession ay mistulang opening salvo o hudyat ng simula ng paggunita ng Traslacion ng Itim na Nazareno, na nakatakda naman sa Enero 9.

Sa isinagawang clearing operation, pinaalis na ng mga tauhan ng Manila City Hall at Manila Police District (MPD) ang mga ilegal na tindero sa mga kalye sa paligid ng simbahan.

Bukod kasi sa ilegal na pagbenta, sagabal ang puwesto ng mga tindero sa mga motoristang dumadaan sa mga kalsada, lalo sa may kahabaan ng Quezon Boulevard.

Ang ilan sa mga paninda ay itinapon ng mga awtoridad sa trak ng basura. Kabilang dito ang mga helmet at herbal medicine.

Tatlong truck ng Department of Public Services ng Maynila ang napuno ng mga nakumpiskang paninda ng mga vendor, kasama ang mga tambak na basura.

Pero makalipas ang ilang oras matapos ang clearing, bumalik sa dating puwesto ang ilan sa mga vendor sa Quiapo.

Watch more in iWantTFC

THANKSGIVING PROCESSION KASADO NA

Para naman sa thanksgiving procession, balak ng mga miyembro ng Hijos Del Nazareno na pagbitbitin ng mga kandila ang mga debotong sasama sa prusisyon.

Bukod daw kasi sa taimtim at tahimik ang prusisyon, paraan din ito para maiwasan na ng iba na sumiksik at sumampa para makahawak sa replica ng poon.

Sa halip din na andas, sa maliit na karosa ilalagay ang ipuprusisyong pigura.

Simula alas-8:30 ng gabi ng Lunes, ipatutupad ang road closure sa southbound lane ng Quezon Boulevard mula A. Mendoza/Fugoso hanggang Plaza Miranda.

Sarado rin sa lahat ng sasakyan ang P. Campa at Lerma sa España Boulevard pati ang eastbound lane ng Recto Avenue mula Rizal Ave. hanggang SH Loyola St.

Nasa 7,000 pulis naman ang nakatalaga sa ruta ng prusisyon, ayon kay MPD Director Bernabe Balba.

Mas maigsi ang ruta ngayong taon ng Traslacion sa Enero dahil sa halip na Jones Bridge ay sa Ayala Bridge dadaan ang andas, ayon sa Quiapo Church.

Sa mga susunod na araw inaasahang ilalabas ang mas detalyadong ruta ng Traslacion. -- Ulat nina Zyann Ambrosio at Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.