Turista, nalunod sa Helicopter Island sa El Nido

Arlie Cabrestante Ching, ABS-CBN News

Posted at Dec 30 2019 05:40 PM

EL NIDO, Palawan — Isang lalaking turista ang nalunod sa Helicopter Island sa bayan ng El Nido alas-11 Linggo ng umaga.

Kinilala itong si Oliver Tan Ong, 45 anyos, isang negosyante at mula sa Barangay Buwayang Bato, Mandaluyong City.

Ayon sa pulisya, isang Espanyol ang nag-report ng insidente sa El Nido Municipal Police Station pasado alas-3 ng hapon.

Base sa imbestigasyon, nag-island tour sa Helicopter Island ang biktima kasama ang ilang turista sa isang bangka. Pinilit umano ng boat crew na ipasuot ang life jacket sa biktima pero tumanggi raw ito. 

Sa dalawang naunang isla na pinuntahan ay maayos naman itong nakalangoy ngunit pagdating sa Helicopter Island ay malakas umano ang alon.

Kaya't muli itong pinaalalahan ngunit tumanggi pa rin itong magsuot ng life jacket.

“Tumanggi kasi, kasi sabi niya ay marunong naman daw siyang lumangoy.," ani PCpt. Ric Ramos, tagapagsalita ng Palawan Provincial Police Office.

Lumangoy ang mga turista malapit sa kanilang bangka, pero ilang minuto lamang ay napansin ng mga kasama na lumulutang na ang biktima at wala nang malay. 

Agad naman itong tinulungan ng ibang turista at sinubukang i-revive hanggang makarating sa pampang ng El Nido.

Agad dinala ang biktima sa isang clinic sa bayan pasado alas dose ng tanghali pero idineklara na ito ng doktor na dead-on-arrival. Nakikipag-ugnayan na ngayon ang pulisya sa pamilya ng biktima.

Paalala naman ng mga awtoridad, sumunod sa mga paalala ng boat crew kapag mag-a-island hoping, marunong man lumangoy o hindi, dahil para ito sa kaligtasan ng lahat.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.