Pamilya tinambangan sa Zamboanga City; 1 patay

ABS-CBN News

Posted at Dec 30 2019 03:09 PM

Isa ang namatay habang 2 ang nasugatan matapos tambangan ang isang pamilya sa Zamboanga City noong madaling araw ng Linggo.

Nakasakay ng pick-up truck ang anim na magkakamag-anak pauwi mula sa sabungan nang tambangan sila ng 2 lalaking nakamotorsiklo sa may Barangay Pasonanca, ayon kay Police Col. Thomas Joseph Martir, direktor ng Zamboanga City police.

Nasawi ang driver na si Roel Clemente, 45, matapos magtamo ng tama ng bala sa ulo at katawan.

Nasugatan naman ang ama ni Roel na si Rodelio, 62, at tito na si Paul matapos magtamo ng mga tama ng bala.

Sa panayam, sinabi ni Rodelio na posibleng inabangan sila ng mga suspek paglabas ng sabungan.

Naniniwala rin si Rodelio na si Roel ang target ng mga nanambang sa kanila.

May 3 nang person of interest kaugnay ng insidente, ayon kay Martir.

"we have persons of interest na in-invite natin. They have undergone paraffin test yesterday," ani Martir.

"I think the victim has a case filed against him for adultery," aniya.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa kaso. -- Ulat ni RJ Rosalado, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.