MODUS: Holiday greetings sa social media ginagamit para ma-hack ang account

ABS-CBN News

Posted at Dec 30 2019 05:01 PM | Updated as of Dec 30 2019 08:16 PM

Watch more in iWantTFC

Binalaan ng isang cyber security firm ang publiko ngayong Lunes laban sa mga holiday greeting sa social media na ginagamit para ma-hack ang mga online account.

Sa abisong inilabas ng Cyber Security Philippines, binalaan nito ang publiko sa pagbukas ng holiday greeting links na pinadadala sa iba-ibang messaging apps.

Kapag na-click, dadalhin ang user sa ibang website at hihingan ng personal information habang gumagana ang malware o malicious file.

Kabilang sa mga link o website ang mga sumusunod:

  • https://wish-you.co
  • https://wish4u.co
  • https://my-msg.co
  • https://look-me.co
  • https://surprise4u.me
  • https://hookgist.com
  • https://see-magic.co
  • https://mera-style.com
  • https://whatsapp-style.co
  • https://see-magic.co
  • https://my-love.co

Kapag napasok ang account, sunod na bibiktimahin ang mga nasa friends o contact list ng nabiktimang user.

Sakaling nabiktima, hinimok ng Cyber Security Philippines ang users na agad palitan ang kanilang mga password para sa bank at social media account, mag-reset ng browser, update ng anti-malware software, at i-scan ang kanilang device.

Ayon kay Maj. June Paolo Abrazado ng Philippine National Police Anti-Cybercrime Group, matagal nang modus ng hackers ang pagpapadala ng link para mang-hack ng account.

Maaari raw gamitin ang account para sa mga ilegal na aktibidad o iba pang modus gaya ng paghingi ng pera sa mga kakilala. -- Ulat ni Ina Reformina, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.