Partas tigil ayuda sa mga namatayan sa banggaan sa La Union dahil sa kaso

ABS-CBN News

Posted at Dec 30 2017 04:28 PM

Hindi muna magbibigay ng tulong ang kompanya ng bus na Partas sa mga kaanak ng mga nasawi sa malagim na salpukan ng bus nito at isang jeep sa Agoo, La Union noong Pasko. 

Ayon kay Chavit Singson, chairman ng Partas, nakapagbigay na ng paunang tulong ang bus company subalit ipinatigil ito nang kasuhan ang kompanya dahil sa insidente. 

"Katunayan, nakapagbigay na kami ng initial na tulong kaya lang pinahinto ng abogado namin kasi idinemanda kami," ani Singson sa kaniyang panayam sa Umagang Kay Ganda Biyernes.

Matatandaang pinatawan ng preventive suspension ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang pitong bus ng Partas Bus Company matapos ang banggaan, kung saan 20 ang namatay. 

Ikinadismaya naman ito ng mga kaanak ng biktima dahil ilan sa kanila ay walang trabaho at nagamit na ang donasyon ng provincial government ng La Union sa gastusin sa burol.
 
Mag-iisang linggo na ring natutulog sa basketball court ng Barangay Pilar sa bayan ng Bauang ang ilan sa mga naulilang kamag-anak ng mga biktima. 

Kuwento ni Aljean Cabradilla, hindi raw niya alam kung paano niya sasalubungin ang Bagong Taon dahil namatay umano halos lahat ng kapamilya niya sa malagim na insidente.

Hiling lang niya, sana'y hindi pa pansamantalang pinalaya ang drayber ng bus na si Rodel Sadac, na halos hindi nagtamo ng anumang sugat sa aksidente.

"Sana hindi muna siya pinalaya, hinintay pa po sana nilang may nakalabas na pasyente sa hospital para makuwento 'yung buong nangyari," hinaing ni Cabradilla.

Hindi rin matanggap nina Gigi Cabrero at Grace Antolin na pinalaya ang drayber.

"Dapat sana makulong muna siya... para mapagbayaran 'yung mga nagawa niya dito kasi hindi naman namin sinisisi ang driver ng jeep," ani Cabrero.

"Ang hiling na lang po namin sana matulungan kami kahit konting tulong lang po," ayon naman kay Antolin.

Nagtakda ang LTFRB ng hearing sa Enero 10 sa pagitan ng kampo ng Partas at ng nasabing jeep.

Kampante naman si Singson na madi-dismiss ang mga reklamong isinampa sa kanila.

Ililibing ang mga biktima sa Enero 5 sa Bauang South Public Cemetery.

--Ulat ni Teomar Bautista, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.