'Paglayang Minamahal': Mga pinagdaanan ng Mindanao sa 2017

Raphael Bosano, ABS-CBN News

Posted at Dec 30 2017 06:38 PM

 

Maraming kuwento ang bumandera ngayong 2017.

Pero higit na tinutukan ng mga Pilipino ang nangyaring krisis na sumubok sa Marawi City sa loob ng halos kalahating taon.

Sa pagtatapos ng taon, sasariwain ng ABS-CBN ang yugtong sumubok sa katatagan at katapangan ng ating mga kababayan sa Mindanao. 

Iba't ibang kuwento

Mahigpit na binantayan ang naging kilos ng militar na nakipaglaban mabawi lang ang lungsod sa kamay ng Maute group. 
    
Pero hindi natatapos ang mga kuwento sa pagwawakas ng bakbakan. Marami sa mga ito, nalaman lang nang makalabas na sila sa warzone. 

"That time, mas takot akong mapahamak 'yung mga hostages doon...[S]obrang nakakaawa 'yung situation nila...[na] umiiyak, parang yung iba hindi makapagsalita, tulala," kuwento ni Captain Jeff Buada, sundalo sa Marawi.
    
Mayroon ding mga kuwento ng pighati ang mga taong naipit lang sa gitna ng gulo.

"Pinakamasakit po na nakaalis po kami sa Marawi, pito kami. Pero pagbalik namin sa Marawi, naging anim na lang," ani Tarhata Mustare, isang evacuee.

Sa kabila naman ng pagkawala ng mahal sa buhay at ari-arian, may mga kuwento pa rin ng pagbangon.

"[Na]kaya ko nga 'yung putukan nasa ulo mo na, nasa gilid mo na, ginaganu'n-ganu'n mo lang 'yung bala. Ito pa kaya?" tumatawang pahayag ni Alarne Sacay, dating hostage ng Maute group.

Pero tapos na nga ba talaga ang paghahasik ng karahasan ng Maute group?

Nitong Nobyembre lang, dalawang linggo matapos ideklara ni Pangulong Rodrigo Duterte na malaya na ang lungsod, mismong documentary team ang nakakita sa isa sa mga miyembro ng grupo na tumatakbo sa loob ng main battle area.
 
Abangan ang buong kuwento ng "Paglayang Minamahal," ang yearend special ng ABS-CBN ngayong Disyembre 31, 10:30 ng gabi.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.