NDRRMC: Bilang ng namatay sa bagyong Urduja, Vinta kinukumpirma pa

Jekki Pascual, ABS-CBN News

Posted at Dec 30 2017 04:06 PM

Isang landslide ang tumabon sa dose-dosenang residente ng Barangay Lucsoon, Naval sa Biliran matapos ang pananalasa ng bagyong Urduja bago mag-Pasko. Kuha mula sa Philippine National Police Regional Office 8

MAYNILA - Kinukumpirma pa ngayon ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ang impormasyong nasa 200 katao na ang nasawi sa pananalanta ng mga bagyong Urduja at Vinta sa Visayas at Mindanao kamakailan. 

Ayon kay NDRRMC Spokesperson Romina Marasigan, may 163 na naiulat na namatay dahil sa bagyong Vinta, habang may 40 naman ang naiulat na namatay dahil sa bagyong Urduja. 

Ang mga ito ay "for verification" pa, aniya. 

May higit 200 naman ang nawawala pa matapos ang magkasunod na bagyo. 

Sa ngayon, pito pa lang ang kumpirmadong nasawi sa bagyong Urduja habang isa naman ang sa Vinta, ayon sa ulat ng NDRRMC.

Handa naman ang NDRRMC na magbigay ng cash assistance na 10,000 sa pamilya ng mga namatay at P5,000 sa mga nasugatan.

Tumama sa lupa ang Urduja sa Visayas noong Dec. 16 habang Dec. 22 naman nag-landfall ang Vinta sa Davao Oriental. Nagdulot ito ng mga biglaang pagbaha at pagguho ng lupa na nakaapekto sa ilang komunidad. 

Samantala, pinaghahandaan na ang isa pang paparating na bagyo na maaaring tumama sa Bagong Taon. Ayon sa pagtataya, maari uli itong mag-landfall sa bahagi ng Visayas o Mindanao. 

Ayon kay Marasigan, hindi muna nila papayagang umalis ang may 90,000 katao na nasa iba't ibang evacuation centers matapos ang magkasunod na bagyo.

Patuloy pa rin ang monitoring ng NDRRMC habang papalapit ang low pressure area sa Pilipinas.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.