Lalaking umaming pumatay sa mag-ina sa Cavite, nag-sorry sa padre de pamilya

ABS-CBN News

Posted at Dec 30 2017 07:51 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Humingi ng tawad sa padre de pamilya ang lalaking pumatay sa kaniyang mag-ina sa Cavite.

Sa eksklusibong interview ng ABS-CBN News, humingi ng tawad ang suspek na si Ruel Galban Cabatingan kay Marlon Gamos.

“Kahit na ilang sorry ang gawin ko, hindi na maibabalik iyon. Gusto kong pagdusahan iyong ginawa ko. Again, kay Marlon, I’m sorry. I’m very sorry and sa family niya,” ayon kay Cabatingan. 

Tumanggi na siyang magbigay ng pahayag kung bakit nagawa ang krimen pero sa sinumpaang salaysay, sinabi niyang nakatulog ang napaslang na inang si Ruby Gamos habang minamasahe niya.

Saka aniya ito sinakal ng limang minuto bago tumigil sa paggalaw. 

Nagising naman ang anak ni Ruby at sinakal din niya.

Kinumpirma rin ni Cabatingan na may relasyon sila ni Ruby. “Alam naman naming parehas na mahal namin ang isa’t isa,” aniya. 

Hindi naman matanggap ni Marlon ang paghingi ng tawad ni Cabatingan. “Hindi ko pa matatanggap iyong sorry na ginawa niya dahil hindi nga siya naawa sa pamilya ko, lalong lalo na sa anak ko,” ayon kay Marlon. 

Sinubukan din ni Marlon na komprontahin si Cabatingan matapos aminin na siya ang pumatay sa mag-ina. 

“Gusto ko lang siya makita, mata sa mata, kung gaano siya katapang na lalaki. Bakit gano’n ang ginawa niya sa pamilya ko?” ayon kay Marlon. 

Pero hindi hinayaan ng Philippine National Police na magkita ang dalawa para sa kanilang seguridad lalo’t mataas ang emosyon hindi lamang ng dalawang lalaki, kundi pati na ng publiko. 

Samantala, umapela rin sa publiko ang padre de pamilya na huwag nang husgahan ang kaniyang misis. 

“Mahal na mahal namin ang isa’t isa. Tao lang tayo, lahat naman tayo makasalanan,” aniya. -- Ulat ni Jasmin Romero, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.