Kagawad na tulak umano ng droga arestado

Chrisel Almonia, ABS-CBN News

Posted at Dec 30 2017 01:53 PM

Isang kagawad ng barangay ang arestado sa isinagawang buy-bust operation ng awtoridad Biyernes ng gabi sa Barangay Pamucutan sa Zamboanga City.

Sa selda ng Police Station 9 ng Ayala mananatili sa pagpasok ng Bagong Taon ang 55 anyos na si Kagawad Florentino Ebol Jr. ng naturang barangay.

Nahuli si Ebol sa mismong bahay niya kung saan nakumpiska rin ng awtoridad ang tatlong sachet ng hinihinalang shabu na may street value na P5,000, isang baril at P400 buy-bust money.

Ayon kay Barangay Chairman Roberto Carpio, hindi niya inaakalang magagawa ng kagawad na magbenta ng droga.

Wala naman itong bad record sa barangay at responsable bilang opisyal na humahawak sa committee on health ng konseho ng barangay.

Kilala rin daw si Ebol bilang isang businessman sa lugar dahil sa mga paninda nitong bigas at gulay. May pag-aari din na isang tindahan ang kagawad. 

Sabi naman ng hepe ng Police Station 9 na si Senior Insp. Albert Alfaro, matagal na nilang binabantayan ang opisyal dahil sa impormasyong isa ito sa mga nagbebenta ng droga sa barangay.

Inaalam din ngayon ng pulisya kung saan nanggaling ang suplay ng droga na ibinebenta umano ng kagawad.

Dahil dito, plano ngayon ng barangay chairman na ipa-drug test ang lahat ng mga barangay officials.

Bukod sa kaso sa paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, maari ring makasuhan ang barangay kagawad ng illegal possession of firearms kapag nakumpirma na ilegal ito.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.