Biometrics system para sa mga bisita sa Manila City Jail ipinatupad

ABS-CBN News

Posted at Dec 30 2017 06:17 PM

MAYNILA - Ipinatupad na simula ngayong Sabado ang biometrics system para sa mga bibisita sa Manila City Jail.

Sa ilalim ng bagong sistema, kailangang magparehistro ang mga kapamilya ng mga inmate upang sa gayon ay mas ma-monitor ng mga awtoridad ang pag-labas-pasok nila sa piitan. 

Sa pamamagitan ng biometrics, sasailalim sa finger scan ang malalapit na kamag-anak ng mga inmate upang makapasok sa pasilidad. Sa gayon, masasala ang mga maaaring bumisita sa mga inmate. 

Inanunsiyo ito matapos magsagawa ng inspeksiyon ni Jail Director Deogracias Tapayan sa Manila City Jail at Valenzuela City Jail para alamin ang kahandaan ng mga kulungan sa pagsalubong sa Bagong Taon. 

Pagsalubong sa Bagong Taon

Ani Tapayan, importante ito para malaman ng mga preso na handa sila kung sakali mang may balak ang mga ito na tumakas lalo na't magiging maingay at magkakaroon ng putukan. 

Importante rin aniya ang inspeksiyon para mapaalalahanan ang mga Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) personnel na naka-red alert sila sa Bagong Taon. 

Pakiusap at paalala ng direktor sa kaniyang mga tauhan, kaunting sakripisyo lang ng oras na kasama sana ang pamilya. 

Susundin pa rin ang normal na visiting hours sa parehong city jail. 

Sa kaniyang inspeksiyon, binisita at kinausap ni Tapayan ang mga preso para kumustahin sila at batiin ng Maligayang Pasko at Bagong Taon. -- ulat ni Isay Reyes, ABS-CBN News 
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.