ALAMIN: Lagay ng mga pantalan, terminal bago ang salubong sa Bagong Taon

ABS-CBN News

Posted at Dec 30 2017 06:05 PM | Updated as of Dec 30 2017 06:06 PM

Inaasahang dagsa na sa sari-saring pantalan at terminal ang mga nais umuwi sa kani-kanilang probinsiya upang salubungin ang Bagong Taon kasama ang mga mahal sa buhay.

Matnog Port

Bagama't normal na ang biyahe ng mga RORO vessel galing sa Matnog Port papunta sa Samar, may pila pa rin ng mga truck sa labas ng pantalan.

Kaunti na lang ito kumpara noong nakansela ang biyahe ng mga barko bago mag-Pasko dahil sa bagyong "Urduja."

Prayoridad pa rin kasi pasakayin sa mga RORO vessel ang mga truck na may dalang relief goods para sa mga nasalanta ng bagyo.

Pero umaasa ang Philippine Ports Authority (PPA) na hindi na madaragdagan ang pila ngayon dahil kahit may kalakasan ang alon sa dagat, umaabot pa rin sila sa 28 hanggang 30 biyahe kada araw.

Humingi na rin sila ng tulong sa Philippine Navy para magpadala ng mas malaking barko kung saan puwedeng isakay ang mga truck na may dalang relief goods.

Batangas Port

Mas marami na ang bilang ng mga pasahero sa Batangas Port na papauwi sa kani-kanilang mga probinsiya.

Batay sa tala ng Philippine Coast Guard-Batangas, umabot na sa 6,481 na pasahero ang naitalang lumabas sa pantalan mula alas-6 ng umaga hanggang alas-12 ng tanghali ng Sabado.

Wala rin umanong naitatalang aberya sa mga pasahero at anumang insidente sa lugar, ayon sa coast guard.

Cebu

Samantala, dagsa na ang mga pasahero sa Cebu South Bus Terminal simula Sabado ng umaga. 

Hindi na gaanong marami ang pila kumpara noong Disyembre 23 dahil tiniyak na umano ng mga pasahero na makauwi bago ang weekend.

Mahabang pila naman ang sasalubong sa mga bibiyahe sa pamamagitan ng Pier 1 sa Cebu City.

TPLEX

Bumibigat naman ang trapiko sa Tarlac-Pangasinan-La Union Expressway o TPLEX. 

Mula alas-6 ng umaga Sabado, tuloy-tuloy na ang pagdating ng mga sasakyan patungong norte.
 
Ayon sa pamunuan, ngayong araw pa lang ay umabot na sa 30,000 vehicles ang volume ng mga sasakyan sa expressway.

Karamihan nito ay lumalabas sa Pozorrubio exit kung saan umaabot na sa hanggang 6 na sasakyan ang pila sa bawat lane. 

Pero hindi naman matagal ang paghihintay ng mga sasakyan dahil may mga naka-deploy nang manual tellers para sa apat na north-bound lane. 

Bukas din ang dalawang south-bound lanes sa Pozorrubio exit.

--Ulat nina Erick Baldo, Paulo Ferrer, Lady Vicencio, at Leleth Rumaguera, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.