Abot sa P200,000 halaga ng pera, gadget, natangay sa isang pamilya sa isang restoran

ABS-CBN News

Posted at Dec 30 2017 07:19 PM | Updated as of Dec 30 2017 08:36 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Tinatayang P200,000 halaga ng pera at gadget ang natangay sa isang pamilyang kumakain sa isang restoran sa Tagaytay noong Disyembre 26.

Sa CCTV footage na kuha sa loob ng kainan, makikita ang dalawang lalaking umaaligid at tila may hinahanap at kunwari pa'y may kausap sa cellphone.
    
Maya-maya dumating din ang isa pang kasama nilang naka-sombrero.

Nilapitan ng isa ang pamilyang kumakain at pasimpleng kinuha ang bag na nakasabit at saka ibinalot sa dalang jacket.

Umalis ang kawatan kasama ang dalawang kasabwat.

Ayon sa may-ari ng bag na si "Kathy," hindi niya napansin ang mga lalaki dala na rin ng gutom.

"Focus ko kasi ay sa pagkain at kampante ako na walang mangyayari," aniya.

Kung tutuusin, nakapaligid kay Kathy ang kaniyang pamilya pero ang kaniyang ina na si "Kris," hindi alam na may bag ang kaniyang anak.

May lamang P120,000 na cash ang bag bukod pa sa cellphone at tablet.
    
Ipina-blotter na ng restoran sa pulis ang insidente at binigyan ito ng kopya ng CCTV footage para matukoy ang pagkakakilanlan ng mga salarin.

Narekober naman ang wallet ni Kathy sa isang kainan sa Dasmariñas, Cavite pero wala na ang lamang pera.

--Ulat ni Jeck Batallones, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.