6 huli, P300k halaga ng 'shabu' nasabat sa Davao del Norte

Berchan Louie Angchay, ABS-CBN News

Posted at Dec 30 2017 09:53 AM

DAVAO CITY – Anim ang naaresto habang mahigit sa P300,000 halaga ng hinihinalang shabu ang nasamsam ng mga awtoridad sa Davao del Norte Biyernes ng hapon. 

Sa bisa ng isang search warrant, huli sa akto ang mga suspek na sina Joel Batoon, magkapatid na Jivee at Jifree Ibarra, Nori Ann Buaya, John Borja at Jim Galamiton na gumagamit ng shabu sa Barangay Tibal-og, Sto. Tomas.

Nakuha sa kanila ang mga sachet ng hinihinalang shabu na hindi bababa sa 25 gramo at nagkakahalaga ng mahigit P300,000, mga gamit sa pagdodroga, at apat na basyo ng bala.

Ayon sa Philippine Drug Enforcement Agency regional office sa Davao del Norte, mahigit tatlong buwan na nilang pinag-aaralan ang galaw ni Batoon, ang pangunahing subject ng search warrant na sangkot umano sa paggamit at pagbebenta ng ilegal na droga.

Sa panig ng mga suspek, itinanggi nila ang paratang ng awtoridad na gumagamit sila ng droga nooong sila ay naaresto.

Sinabi din nina Batoon, magkapatid na Ibarra at Buaya na hindi nila kilala ang dalawa pang naaresto na sina Borja at Galamiton.

Sasampahan ang anim ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.