32 patay, 59 nawawala sa Mangsee, Palawan dulot ng ‘Vinta’

Cherry Camacho, ABS-CBN News

Posted at Dec 30 2017 11:33 PM | Updated as of Dec 31 2017 12:15 PM

Umabot na sa 32 ang bilang ng mga namatay matapos ang hagupit ng bagyong Vinta sa Mangsee Island, Palawan. Kuha ni Naz Asli

Umakyat sa 32 ang bilang ng kumpirmadong patay matapos manalanta ang bagyong Vinta sa Mangsee Island, Palawan.

Ayon sa datos ng Rapid Damage Assessment and Needs Analysis Team nitong Biyernes, 13 sa 32 patay ang may pagkakakilanlan na.

Nawawala naman ang 59 na residente na karamihan ay mga mangingisda bukod sa 23 bangka. Umabot din sa mahigit 1,500 bahay ang nasira ng bagyo.

Patuloy ang search and retrieval operation ng mga awtoridad para hanapin ang 59 na nawawala. Kuha ng Naval Forces West Palawan

"In fairness sa barangay officials, na-inform nila lahat ng nakatira sa lupa, ngunit ang isang pinaka-lesson learned siguro lack of communication. 'Yung mga mangingisda, apparently, hindi nila alam na may storm," ani Palawan Vice Governor Dennis Socrates.

Mayroon na ring itinalagang mga social worker para magsagawa ng stress debriefing at counseling sa mga apektadong residente.

Nailunsad na ang stress debriefing at counselling para sa mga apektadong residente ng Palawan. Kuha ni Naz Asli

Samantala, naihatid na ang relief goods sa mga apektadong residente sa Balabac at nagpapatuloy pa rin ang pangangalap ng tulong sa pamamagitan ng Operation Tabang Casimanua.

Ayon kay Socrates, nahihirapan ang ilang relief efforts dahil problema ngayon ang transportasyon at komunikasyon sa Balabac.

"Kung minsan 'yung personnel na galing dito, dadalhin sa Rio Tuba or by fixing aircraft then ita-travel thru helicopter available," sabi niya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.