3 sugatan sa banggaan sa Pasay

ABS-CBN News

Posted at Dec 30 2017 04:19 AM

Sugatan ang tatlong tao sa salpukan ng dalawang kotse sa Bukaneg St., Pasay City Sabado ng madaling araw.

Nangyari ang aksidente bandang ala-1:20 a.m. nang sumalpok ang isang SUV sa isang sedan na minamaneho ni Arnel Pabroa.

Kwento ni Pabroa, bigla umanong sumulpot ang SUV sa kalsadang one-way habang binabagtas nila ang Bukaneg St. palabas ng Roxas Boulevard.

Bumangga ang SUV sa sedan at sumampa sa gutter.

Nasugatan ang dalawang sakay ng sedan. Si JT Medillo ay may sugat sa mukha habang naipit naman ang paa ng isang 14-anyos.

Nadamay din sa banggaan ang isang lalaking tumatawid lamang sa kalsada. 

Nagkalat din sa kalsada ang puno ng niyog na naararo ng SUV at mga basag na bahagi ng sedan.

Nasa kamay na ng Pasay Traffic Sector ang driver ng SUV na inaalam pa ang pagkakakilanlan. - ulat ni Arra Perez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.