TINGNAN: Duterte, pinangunahan ang Rizal Day rites

Bianca Dava, ABS-CBN News

Posted at Dec 30 2016 09:44 AM

MANILA - Sa unang pagkakataon bilang presidente, pinamunuan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang paggunita sa ika-120 anibersaryo ng kamatayan ni Dr. Jose Rizal sa Luneta, Maynila.

Sinalubong ng honor guards ng Philippine Navy at Philippine Army si Duterte nang dumating siya sa liwasan dakong alas-7 ng umaga.

Pinangunahan ng Pangulo ang pagtataas ng bandila at pag-aalay ng bulaklak sa monumento ng pambansang bayani.

Nag-alay din ng bulaklak ang mga miyembro ng mga grupong nagtataguyod sa mga aral ni Rizal, katulad ng Sagrada Familia, na may mga miyembrong mula pa sa probinsya.

Kabilang sa mga dumalo sa programa sina US Ambassador Sung Kim at Russian Ambassador Igor Khovaev.

Nakiisa rin sina Foreign Affairs Secretary Perfecto Yasay, Defense Secretary Delfin Lorenzana at Executive Secretary Salvador Medialdea sa pagdiriwang na may temang, "Rizal: Bayaning Global: Aydol ni Juan."

Pagkatapos ng programa, nagkaroon ng salo-salo ang mga bisita sa International Headquarters ng Knights of Rizal Building.

Pansamantala namang isinara sa trapiko ang magkabilang linya ng Roxas Boulevard mula Katigbak hanggang TM Kalaw Avenue para sa pagdiriwang.

-- May ulat ni Dexter Ganibe, DZMM