Bulusan, maaaring muling bumuga ng abo

Jose Carretero, ABS-CBN News

Posted at Dec 30 2016 08:25 PM

LEGAZPI – Matapos ang ash explosion ng bulkang Bulusan sa Sorsogon noong Huwebes ay mariing nakabantay ang Philippine Institute of Volcanology (Phivolcs) sa aktibidad ng bulkan.

May mahigit 30 pa kasing sunud-sunod na pagyanig na naitala dito.

Ayon kay Ed Laguerta, resident volcanologist ng Phivolcs Legazpi, posibleng may sumunod pang pagsabog ang Bulusan.

Nangangamoy asupre pa din ang paligid, aniya, at indikasyon din ang mas mataas sa normal na 500 tons per day na abong ibinubuga ito.

Wala namang ipinatupad na paglikas sa mga residente dahil sa nangyaring phreatic explosion noong Huwebes, dahil kaunti lang ang abo na bumagsak sa komunidad.

Giit ng Phivolcs, kailangang mag-ingat ang mga residente sa paligid ng bulkan sa posibleng lahar flow, kung sakaling magkaroon ng malakas at sunud-sunod na pag-ulan.

Nananatili sa Alert Level 1 ang bulkang Bulusan.

Oktubre ngayong taon nang huli itong magbuga ng abo.