Nagtaas-presyo ang ilang klase ng prutas at mga paputok at sold out na ang ilang klase nito dalawang araw bago ang pagsalubong sa bagong taon sa Metro Manila.
Sa Palengke ng Parañaque, nagtaas ang presyo ng ilang prutas na bilog na itinuturing na mga pampasuwerte sa pagpasok ng bagong taon.
Presyo ng prutas sa Palengke ng Parañaque
Melon P100/piraso
Pomelo P160/piraso
Kiat kiat P50-P60/kalahating kilo
Ponkan P40 each
Fuji apple 4 sa P100
Peras 3 sa P100
Longgan P200/kilo
Pinya P100 piraso
Chico P60/ kalahating kilo
Grapes P230-P300 kilo depende kung may buto o wala.
May ilan-ilan na ding namimili dahil ayaw daw nilang makipagsiksikan sa mga susunod na araw at lalo ngayong hindi pa nagtataas ng todo ang suki nilang nagtitinda.
Sabi ng mga nagtitinda dito ay di rin nila maitaas ang presyo ngayon dahil mabibigla ang mga suki nila, kaya kahit maliit ang tubo ay pwede na din.
Pero asahan daw na bukas December 30 at 31 na magmamahal na talaga ang mga ito dahil tiyak na ihahanda ang mga ito sa media noche.
Sa Divisoria, taas-presyo na ang mga pailaw tulad ng lucis at fountain.
Ang dating P50 kada sampung piraso na lucis, nasa P70 na ngayon.
Naglalaro naman sa P35 hanggang P200 ang fountain depende sa laki.
Maraming mga nagtitinda ang nagbawas ng paninda ngayong taon dahil sa tass ng presyo ng paputok matapos magsara ang ilang pagawaan. Limitado rin ang pwede nilang ibenta dahill sa firecracker ban.
Sa inilabas na executive order ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso, ipinagbabawal ang Super Lolo, The Atomic Big, Triangulo, Five Star, Pla-pla, Piccolo, Giant Whistle Bomb, at mga katulad nitong klase ng paputok.
Bawal din ang overweight firecrackers na higit 0.2 grams ang pulbura pati mga paputok na may maiksing fuse at pumuputok sa loob ng tatlong segundo.
May bentang fireworks din sa Divisoria na nasa P700 hanggang P1200.
Pero sa lungsod ng Maynila, limitado lang sa community fireworks ang paggamit nito.
Hinimok ng alkalde na gumamit na lang ang publiko ng ibang paingay tulad ng torotot at kaldero para sa ligtas na pagsalubong sa 2022.
-- Ulat nina Nico Bagsic at Lady Vicencio, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.