Pinalibutan ng ilang miyembro ng Presidential Security Group si Pangulong Rodrigo Duterte sa Batasang Pambansa, Quezon City sa kaniyang State of the Nation Address, Hulyo 27, 2020. Presidential Photo
MAYNILA – Iginiit ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año na walang naging paglabag sa pagpapaturok ng bakuna laban sa COVID-19 ng ilang miyembro ng Presidential Security Group (PSG).
Giit ni Año, ipinagbabawal lang sa batas ang pagbebenta at pag-distribute ng bakuna nang hindi pa inaaprubahan ng Food and Drug Administration (FDA).
"I don't see anything illegal there... What is prohibited is selling and distributing [the vaccine] without regulatory approval," ani Año, na vice chair ng pandemic task force ng bansa.
Ayon pa kay Año, hindi naman kailangan ng approval ng FDA ang ginamit na bakuna dahil “personal consumption” ang pagpapaturok nito.
"There's no need for approval for that. These vaccines have its EUA (emergency use authorization) in that originating country. If somebody would like to try that for personal consumption, I don't see any conflict on the law," dagdag niya.
Matatandaang sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na may mga sundalong nakatanggap ng COVID-19 vaccine galing sa SinoPharm, isang pharmaceutical company na pagmamay-ari ng pamahalaan ng China.
Ikinagalit ito ng mga healthcare group dahil sa hindi pagsunod sa priority list na mismong inilatag ng mga gobyerno para sa mga dapat maunang mabakunahan kontra COVID-19.
Pang-lima ang mga miyembro ng Armed Forces of the Philippines, kung saan kabilang ang PSG, sa priority list.
Nauna nang sinabi ng FDA na ilegal ang hindi awtorisadong paggamit ng bakuna.
Pero giit ni Año, ang hakbang ay ginawa para maprotektahan si Duterte.
"It's just as simple as soldiers protecting the President who want to be inoculated and they're able to get some donation on it and the country that provided it has an approved EUA. It's that simple. Let's not complicate things," aniya.
Ganito rin ang naging pagdepensa ng AFP.
“Sila na madalas nakapaligid sa ating Pangulo ay sila mismo dapat malibre sa COVID-19 upang sila ay hindi maging banta mismo sa kaligtasan ng ating Pangulo,” ani AFP Spokesman Edgard Arevalo sa hiwalay na panayam.
Tiniyak din ni Año na susundan pa rin ang priority list para sa pagbabakuna.
RELATED VIDEO:
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.