Miyembro ng carnapping group patay, 3 iba pa arestado sa Maynila

Jekki Pascual, ABS-CBN News

Posted at Dec 29 2020 09:33 AM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA - Isang miyembro umano ng carnapping group ang napatay at tatlo namang mga kasamahan nito ang arestado sa naganap na operasyon ng pulisya sa isang hotel sa Malate, Maynila, Martes ng umaga.

Ayon kay Manila Police District Chief Brig. Gen. Leo Francisco, miyembro ng malaking carnapping group ang mga suspek na natunton ng Highway Patrol Group sa Maynila.

May dala umano silang sasakyan na kanilang tinangay sa Southern Manila area at rumenta ng dalawang kuwarto sa naturang hotel.

Biglang nagpaputok ang isa sa mga suspek nang aarestuhin na sila ng mga awtoridad sa loob ng hotel.

Dead on arrival ang isa sa mga suspek na nagtatrabaho bilang driver ng isang kumpanya. Nagtago naman ang isa pang suspek sa kisame kaya nagsagawa pa ng flushing operation.

Napag-alaman na isang TNVS driver at isang tricycle driver ang dalawa pang nahuling suspek habang ang babaeng kasama nilang naaresto ay asawa ng napatay na miyembro.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng awtoridad para matunton pa ang ibang kasabwat at miyembro ng carnapping group.

RELATED VIDEO:

Watch more on iWantTFC