ABS-CBN News/File
Kahit pa sinasabing donasyon ang mga bakunang naiturok sa ilang sundalo, hindi ito dahilan para hindi dumaan sa tamang proseso, sabi ngayong Martes ng Food and Drug Administration (FDA).
Ayon kay FDA Director General Eric Domingo, puwede namang magamit ang mga donasyong gamot basta may kaukulang special permit mula sa kanilang ahensiya.
"Halimbawa, mayroon talagang pangangailangan, there’s a situation where you need access to investigational products, you can ask for compassionate special permit," ani Domingo.
"The FDA will check the source, kung sino ang mag-iimport and we can monitor to whom they are given to and kung ano ang magiging outcome ng paggamit," dagdag niya.
Binitiwan ni Domingo ang pahayag matapos sabihin ng Malacañang na donasyon mula sa Chinese pharmaceutical company na Sinopharm ang mga COVID-19 vaccine na itinurok sa ilang sundalo, partikular sa mga miyembro ng Presidential Security Group (PSG).
Nauna nang sinabi ni PSG Commander Brig. Gen. Jesus Durante na naunang mabigyan ng bakuna ang ilang PSG dahil tungkulin nilang protektahan si Pangulong Rodrigo Duterte mula sa lahat ng banta sa kaligtasan nito, kasama na ang COVID-19.
Ayon kay Domingo, mahalaga namang maprotektahan ang mga pangulo sa lahat ng oras pero hindi dapat mabalewala ang tamang proseso at batas.
Umani rin ng batikos mula sa health workers ang pagbabakuna sa ilang PSG dahil sila rin ang una sa priority list ng gobyerno na makakatanggap ng COVID-19 vaccine.
Kahit na unang sinabi ni Interior and Local Government Secretary Eduardo Año na walang nalabag na batas dahil boluntaryo ang pagbakuna sa ilang PSG, iba ang pananaw ng FDA.
"Under the FDA law, we are not allowed to import, distribute, sell, use drugs or vaccines that are not registered with the FDA," ani Domingo.
"Ito 'yong iniimbestigahan natin kung paano nakapasok, saan, kung sino ang nag-administer and what the circumstances were around the vaccination to get a full idea of what happened and to see if anybody has civil liabilities."
Bagaman sinabi na may basbas ni Duterte ang pagbabakuna, sinabi ni Domingo na maaaring walang direktang partisipasyon ang pangulo sa mismong pamamahagi ng bakuna.
"Palagay ko hindi naman siguro si presidente ang nagturok, nagbigay ng bakuna," aniya. "We want to know the circumstances surrounding it and how it happened."
Sa ngayon, Pfizer pa lang ang bukod tanging manufacturer na nakapag-apply ng emergency use authorization sa Pilipinas.
Naaprubahan na rin ang plikasyon ng Janssen para sa isasagawang clinical trial sa Pilipinas. Kailangan pang mag-submit ng ilang impormasyon sa FDA ng Sinovac at Clover.
-- Ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News
RELATED VIDEO:
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog news, Food and Drug Administration, Covid-19, Covid-19 vaccine, bakuna, Presidential Security Group, PSG vaccination, Eric Domingo, Sinopharm, TV Patrol, Raphael Bosano