PatrolPH

ALAMIN: Presyo ng ilang pagkaing patok sa Media Noche

ABS-CBN News

Posted at Dec 29 2020 07:21 PM

MAYNILA – Nagsisimula nang mamili ang maraming Pinoy ng kanilang ihahanda sa pagsalubong ng bagong taon. 

Sa Balintawak Market sa Quezon City, matumal man ang bentahan ng manok ay patok na patok naman ang mga prutas, partikular na ang mga bilog ang hugis. 

Tradisyunal ito tuwing Media Noche, ang salo-salo na ginagawa sa bisperas ng bagong taon. 

"Para lang meron sa mesa pagsaluhan saka 'yung anak ko nagda-diet kailangan din niya," ani Lorna Buenaventura, isa sa mga bumili. 

May mga umiikot na pulis para tiyakin na nasusunod ang health protocols at hindi nagkukumpulan ang tao.

Sa isang supermarket sa Quezon City, may pila para hindi siksikan sa loob bilang pagsunod sa health protocols.

Bagama't mas mahal kumpara sa palengke, hindi pa rin mawawala ang bilog na prutas sa grocery cart para raw suwertihin sa 2021.

"Sana sa 2021 wala nang COVID-19 para maging malaya na buong mundo at mga bata magkaroon na ng kalayaan makalabas," ani Antonette Retona, mamimili.

Sa Litex Market, tumaas na rin ang presyo ng ilang bilog na prutas.

Ang kiat-kiat na dating P50 kada net, ngayon ay P60 na.

Ang orange, apple, ponkan na P20 dati kada piraso, P25 na.

Ang lemon, mula P15 kada piraso ay P20 na.

Sa Biyernes na papasok ang 2021, ang taong inaasahan ng maraming makababangon na sila mula sa pandemya. 

–Ulat ni Adrian Ayalin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.