Mga pasahero patuloy ang pagdagsa sa NAIA

Michael Delizo, ABS-CBN News

Posted at Dec 29 2019 12:24 PM | Updated as of Dec 29 2019 07:29 PM

Watch more in iWantTFC

MANILA -- Patuloy ang dagsa ng mga biyahero sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ngayong holiday season.

Umabot sa 75,000 hanggang 80,000 ang international passengers mula noong Biyernes, ayon sa datos ng Manila International Airport Authority.

Halos pantay ang numero ng mga dumarating at umaalis sa bansa, na nasa 77,000 hanggang 78,000.

Bumaba naman ang bilang ng domestic passengers mula nang matapos ang Pasko na naglalaro sa 60,000.

Mas marami ang bilang ng mga umaalis, kumpara sa dumarating sa NAIA. 

Nitong Sabado, 35,000 pasahero ang umalis habang 27,000 pasahero ang bilang ng dumating. 

Nitong Linggo ng umaga, mabilis at maiiksi na ang mga pila sa mga terminal, kumpara noong mga araw bago ang Pasko. 

Maayos din ang daloy ng trapiko papunta at paalis sa airport. 

Mahigpit pa rin ang seguridad na ipinatutupad sa NAIA, mabusisi ang inspeksyon, nakakalat ang mga pulis at security personnel ng airport at may mga help desk.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.