3 batang babae nalunod sa Bocaue River

ABS-CBN News

Posted at Dec 29 2019 12:25 PM

Nasawi ang tatlong batang babae matapos malunod sa Bocaue River sa Brgy. Taal, Bocaue, Bulacan, hapon ng Sabado. 

Ayon kay Police Lt. Col Rizalino Andaya, hepe ng Bocaue Police, kabilang sa mga biktima ang magkapatid na 9 at 6 na taong gulang, at ang kalaro nilang 10 taong gulang.

Sa inisyal na imbestigasyon, naglalaro sa tabi ng ilog ang mga bata nang gumuho ang tinutuntungan nilang lupa.

Dumulas patungo sa ilog ang mga bata at hindi kinaya ang 15 talampakang lalim ng ilog.

Ayon kay Andaya, nakita ang mga bata sa ilog sa loob ng 10 minuto. Naisugod pa sila sa ospital pero idineklarang dead on arrival.

Dahil sa insidente, lalagyan na ng railings ang ilog. Magpapaabot naman ng tulong ang lokal na pamahalaan sa mga pamilya ng mga biktima. 

Payo ng Bulacan police sa mga magulang, bantaya nang maigi ang mga anak at huwag hahayaang maglaro sa mga peligrosong lugar.

-- Ulat ni Arra Perez, ABS-CBN News 
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.