Mga kambing nilapa ng di tukoy na hayop sa Misamis Oriental, mga residente nababahala

Angelo Andrade, ABS-CBN News

Posted at Dec 29 2018 10:09 AM

Nangamba ang ilang residente ng Barangay Mohon sa bayan ng Tagoloan, Misamis Oriental matapos madiskubre ang katawan ng apat na kambing na nilapa ng hindi pa tukoy na hayop. Malinis ang paglapa sa mga kambing dahil walang bakas ng dugo sa lugar at tanging mga buto at konting balat na lamang ang natira. Angelo Andrade, ABS-CBN News

TAGOLOAN, Misamis Oriental - Ikinagulat ng mga residente ng Barangay Mohon dito sa bayan ang pagkamatay ng apat na kambing sa kanilang lugar, Biyernes ng umaga.

Buo pa ang mga kambing pero tanging buto at konting balat na lamang ang natira sa kanilang katawan. Tila sinipsip din ang dugo ng mga hayop dahil walang bakas sa paligid kaya naman nakaramdam ng takot ang mga residente.

“Parang sinipsip sa leeg 'yung dugo. Kung aso ang pumatay sana may dugo sa paligid, pero wala,” sabi ni Wilson Canoy, isa sa mga residente sa lugar.

Iba’t ibang teorya rin ang naiisip ng mga residente sa nangyari sa mga kambing.

“Ang duda ng isang matanda sa amin, bampira. Kasi kung sigbin hindi mauubos itong dalawang kambing,” dagdag ni Canoy.

“Ang duda ko baka tigre na nakawala,” sabi naman ng residenteng si Segundino Naelga.

Nakarating na sa Municipal Agriculture Office ng bayan ang insidente at magsasagawa sila ng imbestigasyon.

Noong Agosto nitong taon pinagkaguluhan rin sa isang barangay sa Cagayan de Oro ang pagkamatay ng limang kambing, na ayon sa City Veterinary Office ay maaring kagagawan ng mga malalaking aso.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.