Mag-amang sangkot sa pagpatay sa kapitan ng barangay, tiklo

Fred Cipres, ABS-CBN News

Posted at Dec 29 2018 10:39 AM

MAYNILA - Naaresto sa Cavite ang dalawa sa salarin sa nangyaring pamamaril na ikinamatay ng presidente ng Asosasyon ng mga Barangay Captain sa Lipa City.

Madaling araw ng Sabado nang matunton ang mag-amang suspek sa pagpatay kay barangay chair Merlon Luancing.

Biyernes ng gabi nang pagbabarilin sa loob ng sabungan sa Lipa Games and Amusement Complex sa Barangay Balintawak, Lipa City si Luancing.

Ayon kay Senior Supt. Edwin Quilates, Provincial Director ng Batangas, sa isang ospital sa Cavite nahuli ang mag-amang suspek. Isinugod doon ang nakababatang suspek na nagtamo ng sugat sa paa.

Hindi pa inilalabas ng awtoridad ang pagkakakilanlan ng mga suspek dahil sa patuloy na follow-up operation upang mahuli ang iba pang sangkot sa krimen.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.