Water sprinklers sa Davao mall na nasunog, hindi gumana

ABS-CBN News

Posted at Dec 29 2017 11:20 PM | Updated as of Dec 30 2017 04:19 PM

Nag-inspeksyon nitong Biyernes ang Inter-Agency Anti-Arson Task Force sa nasunog na NCCC Mall.Kuha ng Inter-Agency Anti-Arson Task Force

Electrical short circuit, sanhi ng sunog na ikinamatay ng 38 katao, ayon sa IATF

DAVAO CITY - Hindi gumana ang mga water sprinkler sa ikatlong palapag ng NCCC Mall sa Davao City noong nasusunog ito, ayon sa Inter-Agency Anti-Arson Task Force (IATF).

Lumabas sa imbestigasyon ng IATF nitong Biyernes na walang sprinkler head ang mga ito at sarado din ang floor control valve.

“The water sprinkler we found out that the control valve were all closed. Merong sprinkler system sa 4th floor pero hindi pa rin gumana kasi nga sarado ang floor control valve," ani Fire Senior Supt. Jerry Candido, tagapagsalita ng IATF.

Nalaman din na may mga paglabag ang NCCC Mall sa kanilang mga fire exits dahil hindi umano ito fire door na smoke proof.

“All fire exits are not compliant. There’s an opening in their fire exits. It’s not fully enclosed. Dapat kapag nasa interior ang fire exits mo it should be steel door and fully enclosed para hindi pumasok ang usok,” ani Candido.

Watch more in iWant or TFC.tv

Kuha ng Inter-Agency Anti-Arson Task Force

Kinumpirma ng task force na mayroong fire alarm system ang SSI pero hindi ito konektado sa alarm system ng NCCC kung kaya’t maraming call center agents ang hindi nakarinig ng fire alarm.

Kung mapapatunayang may paglabag ang pamunuan ng NCCC mall, posible itong maharap sa kasong reckless imprudence resulting in multiple homicide.

Ayon sa IATF, electrical short circuit ang naging sanhi ng sunog na ikinamatay ng 38 katao.

"Electrical in nature. Electrical short circuit ang cause ng sunog. We recovered in the point of origin galvanized purlins, electrical lines with electrical beads," ani Candido.

Dagdag niya, magsasagawa sila ng acid test na magsisilbing confirmatory test ng electrical short circuit.

Samantala, patuloy pa ring hinahanap ang bangkay ng isa pang nawawalang call center agent sa loob ng nasunog na mall. --Ulat ni Madonna Timbal-Senajon, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.