Traffic titindi pa sa 2018 dahil sa mga konstruksiyong 'kontra-traffic'

ABS-CBN News

Posted at Dec 29 2017 10:37 PM

Konstruksiyon ng isang bahagi ng Metro Manila Skyway sa Makati City. Mark Demayo, ABS-CBN News

Maaaring tumindi pa ang nararanasang traffic sa 2018 dahil sa pag-arangkada ng construction projects ng gobyerno para mapaginhawa umano ang pagko-commute sa bansa.

Pinaghahandaan ng Department of Transportation (DOTr) ang posibleng pagbigat ng daloy ng trapiko sa Metro Manila bunsod ng mga malalaking construction projects sa susunod na taon.

Wala pa kasi sa listahan ng proyekto ng DPWH ang mga railroad projects tulad ng MRT-7 at common station.

Nasa top 10 ang Pilipinas sa may pinakamalalang traffic flow sa mundo pero kapag natapos at nakapagbukas na ng dagdag na kalsada, inaasahang mawawala na umano ang buhol-buhol at usad-pagong na traffic.

Target ng gobyerno na matapos ang mga proyekto bago bumaba sa puwesto si Pangulong Rodrigo Duterte.

Isa sa mga proyekto ang TPLEX na matatapos sa 2019 at magpapaikli umano ng biyahe mula La Union hanggang Tarlac ng isang oras mula sa 3.5 oras.

Target namang tapusin sa 2020 ang Central Luzon Link Expressway Phase 1 na kokonekta sa Tarlac at Cabanatuan, Nueva Ecija.

Tinataya namang matatapos sa 2018 ang Plaridel Bypass Bulacan.

Matatapos din sa 2018 ang NLEX Harbor Link Segment 10 na tinitingnang magpapaginhawa sa EDSA dahil hindi na kailangan pang dumaan dito makarating lang ng NLEX.

Samantala, magiging 20 minuto na lang mula sa dalawang oras ang Balintawak hanggang Buendia dahil sa Metro Manila Skyway Stage 3 project na tinatayang matatapos sa 2019. 

Ikokonekta naman ng NLEX-SLEX Connector Road ang C3 at Sta. Mesa sa 2019 habang matatapos din sa 2020 ang Cavite-Laguna Expressway.

Gagawin din sa Metro Manila ang 12 tulay simula sa susunod na taon. 

Nasa P382 bilyon ang budget ng Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa mga proyekto sa iba't ibang rehiyon.

Pero paliwanag ng DPWH, sa kabila ng dami ng proyekto at laki ng gastos, hindi malulubog sa utang ang bansa.

-- Ulat ni Jacque Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.