Miyembro umano ng NPA, arestado sa South Cotabato

Francis Canlas, ABS-CBN News

Posted at Dec 29 2017 03:39 AM

Arestado ang isang hinihinalang miyembro ng New People's Army (NPA) sa Barangay New Dumangas, T'boli, South Cotabato nitong Miyerkoles.

Kinilala ang suspek na si Rey Blase, 44-anyos, na wanted sa kasong arson, kidnapping, at illegal detention.

Ayon kay Chief Insp. Ramil Villagracia, hepe ng T'boli Police Station, kasama umano si Blase sa grupo ng Front Committee 73 ng NPA na sangkot sa panununog ng heavy equipment.

Sangkot din umano si Blase sa pagdukot sa dating sundalo ng 27th Infantry Battalion na si Private First Class Khen Subere noong April 2015.

Number 3 umano sa liderato ng grupo si Blase kaya pinagsikapan nilang mahuli ito nang makatanggap sila ng impormasyon sa lokasyon nito, dagdag ni Villagracia.

Pero itinatanggi umano ni Blase na miyembro siya ng NPA at maiikli lang ang mga sagot nang imbestigahan ng pulisya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.