Kaso ng pagpatay sa mag-ina ng OFW, 'sarado' na, ayon sa pulisya

ABS-CBN News

Posted at Dec 29 2017 09:22 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Ibiniyahe na pabalik sa Cavite ang suspek sa pagpatay sa mag-ina ng isang overseas Filipino worker sa General Trias halos isang buwan na ang nakakaraan.

    
Sumuko sa Eastern Samar police si Ruel Galban Cabatingan nitong Biyernes matapos ilantad ng mga pulis ang kaniyang pagkakakilanlan.

Mula sa Palo, Leyte, bumiyahe pabalik ng Cavite si Cabatingan.

Pero bago pa iyon, nagpahiwatig na siya sa Facebook na balak niyang sumuko matapos na matukoy bilang suspek na pumatay kina Ruby Gamos at pitong taong gulang nitong anak.
    
Mula NAIA ay idiniretso siya sa Cavite Police Provincial Office sa Imus ngunit tumanggi na itong magbigay ng pahayag tungkol sa kaso.
    
Social media, nakatulong

Ayon sa pulisya, malaking tulong ang kanilang ginawang research sa social media para mabuo ang kuwento.
    
Doon kasi nalaman na may relasyon sina Gamos at Cabatingan.

Katunayan, inilabas pa ng Cavite police ang mga larawan na galing sa Facebook kung saan makikita ang matamis na pagtitinginan ni Cabatingan at ng biktima.

Makikita rin na malapit sa suspek ang batang pinaslang. 

Sa usapan nila, "daddy" at "mommy" na umano ang tawagan ng suspek at biktima.

May mga larawan din ng video chat nina Gamos at Cabatingan, na childhood sweethearts pa umano.

Simula noong Enero ay nangungupahan na silang dalawa sa isang bahay sa Imus, Cavite hanggang nitong Hunyo.

Ayon sa pulisya, umamin naman ang suspek sa kaniyang nagawa.

Pekeng crime scene?

Siniyasat din ng Public Attorneys Office (PAO) ang crime scene at sa obserbasyon ni Dr. Erwin Erfe, parang hindi umano natural ang crime scene.
    
"Parang staged ang crime scene," ani Erfe ng PAO-Forensic Services.

Dagdag pa ni Erfe, may defense wounds na nakita sa likod at braso ni Gamos.

"May mga injuries siya indicating defense," ani Efre.

Tumutugma naman ito sa findings ng SOCO na nanlaban ang biktima pero wala silang nakikitang rape.

Hindi pa malinaw ang motibo sa pamamaslang dahil wala pang sinumpaang salaysay ang suspek.

Kinasuhan na ng two counts of murder at adultery si Cabatingan.

Itinuturing nang case-closed ang nasabing pamamaslang.

--Ulat ni Jeck Batallones, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.