Kapitan sa Tondo, kumanta ng 'My Way', nagbiro, nabaril

ABS-CBN News

Posted at Dec 29 2017 09:50 PM

Watch more in iWant or iWantTFC

Patay ang isang barangay chairman na kumanta ng "My Way" sa Christmas party sa Tondo, Maynila.

Sa huling video ni Chairman Randy Bong Reyes ng Barangay 104 sa Tondo, Maynila, makikitang nakasuot pa siya ng wig at pinapasaya ang ilan sa mga kasamahan niya noong mismong araw ng Pasko.

Kinagabihan, nakuhanan pa siya ng mga larawan habang nagbi-videoke.

Pabiro pa niyang sinabing kakantahin ang finale song na "My Way".

Sa kabilang banda, makikita naman sa CCTV na nagsasayawan ang mga taga-barangay.

Kuwento ng kaibigang si Connie Roque, nagbiro pa si Reyes na may mga namatay na sa pagkanta ng "My Way". 

Ilag saglit lang, mapapansin ang pagdating ng hindi kilalang riding-in-tandem sa lugar.

May lalaki umanong tumawag kay Reyes at nang lumingon siya ay agad siyang binaril.

"Mga tatlong putok [narining namin], tapos nagsitago kami. Tapos may sumigaw 'Si chairman, si chairman!' Tapos may binaril pa na isa tinamaan," kuwento ni Emmy Roque, kaibigan ni Reyes.

Patay si Reyes habang kritikal naman ang sidecar boy na binaril din.

Hindi nakuhanan ng CCTV ang aktuwal na pamamaril sa biktima dahil may nakaharang na van nang mangyari ang krimen.

Pero sa kuha ng CCTV sa may Osorio street, makikita pa ang pagtakas ng riding-in-tandem.

Droga ang isa sa tinitingnang motibo ng pulisya.

Pero ilan sa kamag-anak ni Reyes ay naniniwalang may ibang posibleng motibo sa krimen.

"Pulitika yan, malakas kasi siya dito...Kung sa droga, tapos na 'yon eh," ani Editha Obeja, tiyahin ni Reyes. 

Ayon sa mga pulis, may natatanggap na silang mga impormasyon na posibleng lead sa pagkakakilanlan ng bumaril kay Reyes.

--Zyann Ambrosio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.