'Estafa queen' na 'nangulimbat' ng P20 milyon sa mag-asawa, arestado

ABS-CBN News

Posted at Dec 29 2017 08:24 PM

Sa Baguio City, timbog ang tinaguriang 'estafa queen' na tumangay sa P20 milyon ng mag-asawang Pranses at Pinay.

Sumulat ang mag-asawang biktima sa tanggapan ni Pangulong Rodrigo Duterte at Presidential Action Team para mahuli ang suspek na kinilalang si Myrna Espinueva.

Taong 2012 nang ayain ang biktimang si alyas "Lizette" na mag-invest ng isang babae na parte Raw ng isang korporasyon.
    
Napag-alamang nangako ang suspek na hahawakan ng mag-asawa ang itinatayong real estate company.
    
Laking gulat nila nang umuwi sa Pilipinas na imbes na opisina ng kanilang korporasyon, isang parlor ang nakatayo sa sinabing office address ng suspek.

"Pumunta ako sa Session Road, only to find out na it's a parlor pala, ilang taon naming binabayaran yung renta at yung Santorini [Corporation], nasa isang table lang pala siya. Tapos yung business permit, hindi Santorini Summer Corporation," hinaing ng biktima noon sa ABS-CBN News.
    
Nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang suspek na tumangging magbigay ng pahayag.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.