ALAMIN: Paano nangyari ang 'maling akala' sa niratrat na AUV?

ABS-CBN News

Posted at Dec 29 2017 09:46 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Dalawa ang patay at dalawa ang malubhang nasugatan nang ratratin ng mga pulis at barangay tanod ang isang AUV sa Mandaluyong City nitong Huwebes ng gabi. 

Lumalabas na inakalang lulan ng sasakyan ang bumaril at nakasugat sa isang away sa lugar. 

Sunod-sunod na putok ang narinig sa video na kuha ng isang residente sa kanto ng Shaw Boulevard at Old Wack-Wack Road sa Mandaluyong bandang alas-10:30 ng gabi.

Kita ang isang puting AUV sa kanto na nakabukas ang mga pinto sa harap habang may mga nakatayo sa kalsada na pinapaputukan ang sasakyan. 

Pumuwesto naman ang ibang mga namamaril sa mga nakaparadang private vehicle sa gilid ng AUV habang may isang lumapit pa sa likuran ng sasakyan.

Dumating maya-maya ang mga pulis na pumarada sa kabilang bahagi ng kalsada.

AWAY BAGO ANG PAMAMARIL

Pero bago ang pamamaril sa AUV, nagkaroon ng away sa pagitan ng mga grupo nina Abdurakman Alfin at Eliseo Aluad na live-in partner ni Jonalyn Amba-an, ang babaeng nabaril, dahil sa parking space sa Barangay Addition Hills.

"Initially, nagde-deliver daw sila ng gasul at nag-park doon sa tabi, doon sa construction site. Ikinagalit ‘yata nitong grupo ni Abdurakman at nagkaroon ng heated argument… Paalis na itong grupo nina Bebot no’ng nakarinig sila ng putok and then may tama ‘yung kaniyang live-in partner na si Jonalyn sa ulo,” ayon kay Albayalde. 

Dito na humingi ng tulong ang grupo ni Abdurakman sa mga barangay tanod na humabol sa sinasakyan ng biktima sa pag-aakalang ito ang getaway vehicle ng suspek.

'Mga construction worker'

Sumugod naman si Gemma Quintan sa lugar nang malaman ang nangyari. Sabi niya, mga kaibigan niya ang pitong sakay ng niratrat na AUV na pawang mga construction worker sa itinatayong eskuwelahan sa Barangay Addition Hills. 

Ihahatid sana ng AUV sa ospital si Amba-an na nabaril sa labas ng barracks ng construction site pasado alas-9 ng gabi.

Kuwento ni Quintan, umawat lang si Amba-an sa away ng kaniyang kinakasama at ng isang nagde-deliver ng liquefied petroleum gas.
    
“Binuhat-buhat na nila 'yung babae. Naghahabulan na kung saan isasakay kasi sumuka na siya ng dugo tapos puro na dugo ‘yung ano niya pati ‘yung sahig. Wala na hindi na siya gumagalaw. Ito na sasakyan nilabas na nila tapos paglabas na paglabas nakarinig kami ng dalawang putok pinutukan ang paglabas nito tapos hinabol pala ng barangay,” kuwento ni Quintan.

Pero sabi ng hepe ng Mandaluyong police, inakala ng mga tanod at pulis na nakasakay sa puting AUV ang bumaril kay Amba-an.

Tapos na ang putukan nang malaman nilang nagkamali pala sila.

'Hindi pala ito ang sasakyan ng suspek' 

“Ang tanod naman nag-inform sa pulis na ‘yung getaway vehicle ng suspek ay yung Adventure na puti… Allegedly habang hinahabol, nagpaputok din ‘yung mga barangay tanod. Nag-conduct kami ng dragnet operation para ma-corner ang suspect, not knowing na hindi pala ito ang sasakyan ng suspek,” ayon kay Senior Superintendent Moises Villaceran Jr., OIC ng Mandaluyong police.

Patay din ang isang sakay ng AUV na si Jomar Hayawon.

Nadala pa sa ospital si Amba-an pero hindi na rin naisalba.

Inoobserbahan naman ngayon ang kinakasama ni Amba-an na si Eliseo Aluad at ang driver ng AUV na si Danilo Santiago na kapwa sugatan.

Kuwento ng kapatid ng isa sa mga sugatan, nagpanggap na patay ang kaniyang kapatid para hindi na paputukan.

“Sigaw nang sigaw sila ng, 'Emergency, emergency ito, dadalhin namin sa hospital!' Panay pa rin daw ang baril sa kanila ng pulis. Tapos nu'ng naano na sila doon, binuksan daw ‘yung van, hinatak daw sila pababa na parang mga baboy,” anang kapatid ng isa sa mga sugatan.

'Tinadtad ng bala ng tanod' 

Kuwento naman ni Mhury Jamon na isa sa mga nakaligtas, tinadtad ng bala ng mga tanod ng Barangay Addition Hills ang sinasakyan nila na maghahatid sana sa nabaril. 

"Sumisigaw kami, sir, ng ano, 'Pasyente ang dala namin' pero hindi kami napakinggan, pinadapa lang kami," aniya.

Ilang minuto ang lumipas, dumating umano ang mga pulis na agad nagpababa sa kanila sa sasakyan pero tatlo lamang sa pitong sakay nito ang bumaba.

"Kaya naman nagpaputok nang husto ang mga pulis dahil akala nila ayaw bumaba ‘yung natitirang kasama namin sa sasakyan. Masama loob namin pero nangyari na, sir e," ayon kay Jamon.

Watch more in iWantv or TFC.tv

SIBAK SA PUWESTO

Samantala, tinanggal na sa puwesto ang hepe ng Mandaluyong City police at 10 iba pa na sangkot sa pamamaril sa isang AUV kung saan dalawa ang namatay habang pinasususpinde na rin ng mayor ng lungsod ang mga barangay tanod na idinadawit sa insidente.

Bagaman may maling impormasyon na nakarating sa pulisya, aminado si National Capital Region Police Office chief Director Oscar Albayalde na may pagkukulang ang mga pulis sa nangyari.

Nitong Biyernes, ni-relieve na sa puwesto si Mandaluyong police chief Senior Supt. Moises Villaceran at 10 iba pa habang iniimbestigahan ang kaso.

Iimbestigahan din kung ano ang motibo sa pagbibigay ng maling impormasyon ng mga tanod at kung bakit may dala silang mga baril.

Sa isang text message, sinabi ni Department of Interior and Local Government officer-in-charge Catalino Cuy na bawal sa mga barangay tanod ang magdala ng baril.

Pinasususpinde naman ni Mandaluyong Mayor Carmelita Abalos ang mga sangkot na tanod.

Sinabi naman ng Department of Justice, National Bureau of Investigation, at Commission on Human Rights sa kani-kanilang pahayag na magsasagawa sila ng imbestigasyon ukol sa insidente.

-- Ulat ni Anjo Bagaoisan at Bianca Dava, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.