2 dayuhan dawit sa pagbebenta ng 'imprenta' ng dolyar

ABS-CBN News

Posted at Dec 29 2017 10:01 PM

Arestado ang dalawang Liberian na nagbebenta ng makina na nakagagawa umano ng dolyar. 

Inaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) Special Action Unit sa isang entrapment operation ang mga Liberian na sina Abraham Victor at Harry Teenessee matapos humingi ng $90,000 mula sa isang Koreano para mag-invest at bumili ng kemikal at makina na kaya umanong mag-imprenta ng US dollars.

Ayon sa NBI, ipinapakita ng mga suspek sa pamamagitan ng video ang kanilang makinang kayang mag-imprenta ng dolyar mula sa simpleng papel lang.

May video rin ang mga suspek kung saan mayroon silang isang maleta na may US dollars. 

Nakumbinsi ang Koreano na bumili ng naturang makina sa halagang $10,000 pero isang safe na may pekeng dolyar ang laman nito nang buksan. 

Ayon naman sa mga suspek, hindi nila katransaksiyon ang Koreano at hindi rin umano sila nagbebenta ng dollars o ng makina. 

Turista lang anila si Teenessee at football player naman si Victor.

Nakulong ang dalawang suspek sa kasong estafa. 

Nagbabala naman ang NBI sa publiko na huwag maengganyo sa mga naturang investment kung saan hindi kapani-paniwala ang kita at hinihikayat ang mga biktima na maglabas ng malaking halaga ng pera. 

-- Ulat ni Niko Baua, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.