Ilang sundalo sa Camp Evangelista sa Northern Mindanao noong Enero 14, 2017. Froilan Gallardo, ABS-CBN News/File
MAYNILA (UPDATE) — Kinumpirma ngayong Lunes ng ilang opisyal ng gobyerno na nabakunahan na kontra COVID-19 ang ilang miyembro ng Armed Forces of the Philippines (AFP), partikular ang ilang taga-Presidential Security Group (PSG).
Noong Sabado, inanunsiyo ni Pangulong Rodrigo Duterte na may mga sundalong nakatanggap ng COVID-19 vaccine galing sa SinoPharm, isang pharmaceutical company na pagmamay-ari ng pamahalaan ng China.
Nang unang tanungin ang AFP, tumanggi ang kanilang spokesperson na si Maj. Gen. Edgard Arevalo at sinabing pag-aaralan muna ang pahayag ng pangulo.
Pero sa panayam ng istasyong DWIZ, kinumpirma ito mismo ng commanding general ng Philippine Army na si Lt. Gen. Cirilito Sobejana.
"I know of some po but I could just not disclose the unit. I know po, personally I know na mayroon nang nabakunahan sa hanay po ng Armed Forces," ani Sobejana.
Kalaunan, kinumpirma ng AFP na totoo ngang nabakunahan na ang mga sundalo, partikular ang mga miyembro ng PSG.
Ayon kay PSG Commander Brig. Gen. Jesus Durante, tungkulin nilang protektahan ang Pangulong Duterte mula sa lahat ng banta sa kaligtasan nito, kasama na ang COVID-19.
Ang ginawa raw nilang pagsubok sa bakuna ay nagpapakita ng katapangan at katapatan sa tungkulin.
Hanggang ngayon kasi, hindi pa tapos ang pag-aaral tungkol sa bisa at pagiging ligtas ng SinoPharm vaccine.
Hindi pa lumalabas ang resulta ng third phase ng clinical trial ng bakuna at hindi pa lisensiyadong gamitin sa Pilipinas.
Ayon kay Interior and Local Government Secretary Eduardo Año, may naramdamang sakit ng ulo at lalamunan sa umpisa ang mga PSG na naturukan.
"Pero sa ikalawang dose ay medyo nagkaroon sila ng sore throat for a day or two, pero pagkatapos noon ay wala na," ani Año.
"'Yang mga gamot na 'yan, tinatawag natin, may emergency use authorization. Kahit na hindi pa 'yan formally approved, in times of pandemic, puwede gamitin 'yan ng mga tinatawag nating health workers, frontliners," ani Año.
Ayon kay Año, hindi pa nababakunahan si Duterte.
Sa pahayag naman ng Food and Drug Administration (FDA), sinabi nilang wala pa silang inaaprubahang kahit anong emergency use authorization sa Pilipinas.
Kung hindi pa umano lisensiyado ang isang bakuna, walang nakakasiguro kung ligtas o epektibo ba ito.
Nagpaalala rin ang FDA na ano mang pag-import, pamimigay o paggamit ng bakunang walang lisensiya ay labag sa batas.
Hindi ipinaliwanag ng AFP kung paano sila nakakuha ng mga bakuna galing Tsina.
Sa priority sector list na inihanda ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases, lumalabas na panglima pa lang ang AFP.
Una muna dapat mabakunahan ang mga frontline health worker, pangalawa ang mga mahihirap na senior citizen, pangatlo ang iba pang seniors, at pang-apat ang mga nasa mahihirap na komunidad.
-- Ulat ni Chiara Zambrano, ABS-CBN News
RELATED VIDEO:
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog news, Covid-19 vaccine, Covid-19, Covid-19 pandemic, Armed Forces of the Philippines, Presidential Security Group, SinoPharm, Food and Drug Administration, bakuna, TV Patrol, Chiara Zambrano