P1 milyong halaga ng shabu nasabat sa Cotabato; 2 tiklo

Lore Mae Andong, ABS-CBN News

Posted at Dec 28 2019 05:43 PM

PIGKAWAYAN, Cotabato - Nasabat ng mga awtoridad ang aabot sa P1 milyong halaga ng shabu mula sa dalawang lalaking suspek sa bayan na ito Biyernes ng hapon.

Ayon sa pulisya, nakatanggap sila ng tip na may isang sasakyan na may dalang hinihinalang shabu ang idadaan sa national highway ng bayan.

Nagtayo ng checkpoint ang mga awtoridad sa Barangay Capayuran at doon namataan at pinahinto ang sasakyan.

Ayon kay Police Maj. Reynaldo Delantein, hepe ng Pigkawayan Municipal Police, apat na malalaking pakete ng kontrabando ang nasamsam mula sa mga suspek.

"'Yung informant sinabi na galing sa katabing bayan dadaan dito. Talagang tama ang description ng sasakyan at plate number and it turned out na positive may droga. Sabi nila dadalhin sa Digos City," ani Delantein.

Residente ng Digos ang driver habang taga-Davao City naman ang isa pang lalaki.

Itinanggi ng mga naaresto na pagmamay-ari nila ang droga.

Nakuha din mula sa mga suspek ang isang kalibre .22 revolver na may apat na live ammunition.

Nakatakda silang sampahan ng kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at illegal possession of firearms.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.