Batang babae, natagpuang patay sa Batangas

ABS-CBN News

Posted at Dec 28 2019 02:48 AM

BAUAN, Batangas - Kalunos-lunos ang sinapit ng isang 11-anyos na bata na natagpuang patay sa Barangay Bolo, Bauan, Batangas nitong Martes.

Natagpuan ang biktima na nakahandusay at wala nang buhay sa isang creek. Ayon sa pulisya, nawawala ang biktima simula noong Disyembre 23.

May mga sugat sa leeg at pasa sa dibdib ang biktima, na indikasyon umano na nanlaban ito sa di pa nakikilalang salarin.

Natagpuan ng pulisya ilang metro mula sa bangkay ng bata ang underwear nito.

Hinala ng awtoridad, tinangkang gahasain ang biktima. Isasailalam sa test ang underwear nito para makumpirma.

Masakit para sa mga magulang ng bata ang nangyari

"Ang tindi ng ginawa niyo, sana makonsensya kayo,” ani ama ng biktima.

Hindi na matutuloy ang pagkikita sana ng biktima at ang kanyang biological na ama. Ito sana ang unang pagkikita nila matapos ang siyam na taon.

Balak kasing magbakasyon ng bata kasama ang ama sa Pangasinan.

Patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente.

May pabuya ng P30,000 sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon sa ikalulutas ng kaso. - Ulat ni Andrew Bernardo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.