2 tao sugatan, ilang alagang hayop patay sa sunog sa Tondo

ABS-CBN News

Posted at Dec 28 2019 06:43 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA—Isang sunog ang sumiklab pasado alas-4 ng madaling araw Sabado sa isang 3-palapag na residential building sa Tondo.

Mabilis kumalat ang apoy at pahirapan pa ang pag-apula rito.

Nasugatan din ang isang fire volunteer at isang residente.

"May sumasabog tapos may tumama sa noo ko. Naramdaman ko na lang sa loob may tumutulo nang [dugo]," ani Allan Altobano, ang nasugatang fire volunteer. 

Natupok ang bakery, hardware store, bigasan, tahian, at mini grocery sa gusali. 

"May combustible materials sa hardware, nagputukan kanina," pahayag ni Fire Inspector John Joseph Jalique ng Bureau of Fire Protection sa Manila. 

Nasa 15 pamilya naman ang nawalan ng tirahan. 

Halos walang naisalbang gamit ang mga residente at naiwan din sa sunog ang ilan nilang alagang hayop. 

"Mga alaga namin nasa taas pa, parrot, manok. Nakuha lang namin 2 aso," sabi ni Thoben Granados.

Malungkot mang sasalubungin ng mga nasunugan ang bagong taon, nagpapasalamat pa rin silang ligtas silang lahat. 

Patuloy ang imbestigasyon sa insidente at inaalam pa ang halaga ng pinsala sa sunog. — Ulat ni Jekki Pascual, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.