150 bahay sa Pandacan, natupok ng sunog

Michael Delizo, ABS-CBN News

Posted at Dec 28 2019 03:11 PM

Photo courtesy: Manila PIO

MANILA - Tinupok ng apoy ang 150 bahay sa Pandacan, Sabado ng umaga.

Naging pahirapan ang pagresponde ng mga bombero sa Barangay 833 dahil masikip ang mga kalye sa lugar kaya hindi makadaan ang mga fire truck. 

Ilan naman sa mga truck na nakapasok sa looban ay naubusan pa ng tubig kaya nagtulungan na ang mga residente sa paghahakot ng tubig.

Sa impormasyon sa Bureau of Fire Protection, nai-report ang sunog bandang 9:55 ng umaga. 

Mabilis lumaki at kumalat ang apoy, at wala pang 30 minuto ay nakataas na ang ika-5 alarma na nangangahuluhan na kailangan ng karagdagang mga bombero. 

Naapula ang apoy mag-a-alas-12 ng tanghali. 

Bagamat malapit sa oil depot ang sunog, hindi naman ito nadamay.

Hindi pa malaman ang sanhi ng sunog pero nagsimula umano ito sa kusina ng isang dalawang palapag na bahay. 

Isang lalaki ang nagtamo ng second-degree burn sa insidente. 

Nasa 300 pamilya ang apektado ng sunog. 

Aabot naman sa P2 milyon ang halaga ng pinsala sa ari-arian.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.