1 patay, 5 sugatan sa banggaan sa Negros Occidental

ABS-CBN News

Posted at Dec 28 2019 12:38 PM

Patay ang isang 35 anyos na lalaki matapos mabangga ang sinasakyang carry cab sa nakaparadang truck sa highway ng Kabankalan, Negros Occidental, Sabado ng madaling araw.

Kinilala ang biktima na si Robert Rodriguez. 

Sugatan naman ang driver ng carry cab na si Stephen Talde na amo ng namatay.

Lumalabas sa imbestigasyon ng Kabankalan police na nag-overtake ang carry cab sa sinusundang tricycle kaya nabangga nito ang naka park na truck sa tabi ng daan.

Matapos mabangga sa truck ay umikot pa ang carry cab at nabangga rin nito ang tricycle na kanyang inovertake.

Bahagyang nasugatan ang apat na sakay ng tricycle ayon sa pulis.

Walang early warning device ang truck ayon sa pulis kaya posibleng hindi ito nakita ng driver dahil sa madilim din ang daan.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng Kabankalan police ang drayber ng truck. 

-- Ulat ni Martian Muyco, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.